EPEKTO NG MATINDING INIT SA MGA PAARALAN AT ESTUDYANTE, PATULOY NA PINAGHAHANDAAN SA DAGUPAN CITY
Naghahanda na ang Department of Education o DepEd Dagupan para sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa matinding init ng panahon at kakulangan sa suplay ng tubig.
Ito ang naging sentro ng isinagawang pagpupulong na pinangunahan ni Schools Division Superintendent Officer in Charge Dr. Marciano Soriano Jr., kasama ang mga school heads at School Disaster Risk Reduction and Management Coordinators.
Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga kinakailangang hakbang upang matugunan ang posibleng kakulangan sa tubig at maiwasan ang mga sakit na maaaring idulot ng matinding init, lalo na sa mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.
Kabilang din sa mga dumalo sina Assistant Schools Division Superintendent Anna Liza Chan, SGOD Chief Dr. Leizl Cancino, DRRM Focal Person Dr. Valdimir Parayno, at PARMC Head Melykhen Bauzon.
Layunin ng pagpupulong na palakasin ang kahandaan ng mga paaralan at matiyak na may angkop na mga hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa harap ng posibleng epekto ng Super El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










