
Pinaiimbestigahan ni Senator Imee Marcos sa angkop na komite ng Senado ang epekto sa bansa ng Pax Silica agreement.
Sa Senate Resolution 547 na inihain ng senadora, ipinasisiyasat “in aid of legislation” ang inaasahang pagtaas ng demand sa resources ng tubig at kuryente at pangmatagalang epekto sa kapaligiran ng Pax Silica na planong itatag sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Ang Pax Silica ay inisyatibo mula sa Estados Unidos na nagsusulong ng artificial intelligence (AI) at pag-secure ng mga gagamitin sa supply chain security tulad ng mga semiconductors at rare earth elements.
Nakasaad sa resolusyon na ang pinakamalaking concern ng mga environmental at scientific organizations ay hindi ang teknolohiya kundi ang napakaraming suplay ng tubig at napakalaking suplay ng kuryente na kakailanganin para sa pagpapatakbo ng AI data centers.
Tinukoy sa resolusyon na ang AI data centers at servers ay nag-ge-generate ng matinding init at kinakailangang mapanatili ang lamig ng mga kagamitan at matatag na suplay ng power sa buong araw.
Ang Pax Silica hub ay mangangailangan ng 130 million litrong tubig kada araw na katumbas ng suplay sa 600,000 households at 3 gigawatts ng kuryente na katumbas naman ng 16 percent ng Luzon grid capacity.
Pinangangambahan na dahil dito ay posibleng magkulang ang suplay ng tubig at kuryente sa bansa, maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka, pagbagsak ng food security, pagkasira ng kalikasan at pagtindi pa ng mga climate-related risks.










