Thursday, August 27, 2026

Estudyanteng nagdulot ng banta sa La Salle Greenhills, tukoy na

Tukoy na ng Mandaluyong City Police Station ang estudyanteng diumano’y nasa likod ng security threat kagabi sa komunidad ng La Salle Greenhills.

Sa isinagawang on-site investigation ngayong araw, kinumpirma ni Mandaluyong Police Chief Reynan Patam na nagpakilala sa isang group chat ang estudyante at nag-iwan ng mga mensaheng “may baril” ito at “mag-ingat kayo.”

Nakatakdang ipatawag ng mga paaralan at awtoridad ang nasabing estudyante kasama ang kaniyang mga magulang habang patuloy na sinusuri ang insidente alinsunod sa mga legal at school procedure.

Nilinaw naman ng pulisya na walang nakuhang anumang baril o armas sa paunang beripikasyon, ngunit patuloy pa ring titignan ang buong anggulo ng kaso upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Samantala, batay sa opisyal na pahayag ng La Salle Greenhills, agad na ipinairal ang dagdag na security measures at pansamantalang inilipat sa online modality ang lahat ng klase ngayong araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Tiniyak naman ni Police Chief Patam na magtutuloy-tuloy ang pagpapakalat ng karagdagang security personnel sa labas ng paaralan sa mga susunod na araw ng klase hiling man ito ng eskwelahan o hindi.

Facebook Comments