
Hindi huhusgahan ng Malacañang si Bulacan Governor Daniel Fernando sa umano’y kawalan nito ng alam sa P41 bilyong flood control projects na ipinatupad sa lalawigan.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, posibleng hindi talaga naipaalam sa gobernador ang mga proyekto dahil hindi naman regular na naiuulat sa local government units ang mga proyektong direktang ipinapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. man aniya ay nalaman lamang mula sa isang barangay official sa Bulacan na may mga proyekto ang DPWH na hindi naipapaalam sa LGU.
Iginiit ni Castro na kung hindi nagsagawa ng inspeksyon ang pangulo, maaaring hindi rin lumitaw ang mga kakulangan at umano’y pang-aabuso sa pagpapatupad ng flood control projects.
Sa halip, kailangang mabatid kung paano ipinatupad ang P41 bilyong pondo at bakit hindi naipaalam sa lokal na pamahalaan ang mga proyektong isinagawa sa Bulacan.










