Thursday, August 27, 2026

Walang matibay na ebidensyang nag-uugnay sa violent online group sa Zamboanga shooting incident —DILG

Nilinaw ni DILG Secretary Jonvic Remulla na walang nakitang matibay na ebidensyang nag-uugnay sa isang online community na may mararahas na content sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.

Ito’y matapos tanungin ni Akbayan Party-list Rep. Dadah Kiram Ismula si Remulla kung may kaugnayan ang True Crime Community o TCC, partikular ang tinatawag na 764 movement, sa insidente.

Ayon kay Remulla, walang conclusive link na ang naturang grupo ang nakaimpluwensya sa estudyanteng namaril.

Gayunman, lumabas sa imbestigasyon na na-expose ang estudyante sa mararahas na online content bago ang insidente.

Nauna ring sinabi ni Remulla na sa pagsusuri sa digital footprint ng estudyante, nakita ang pagbisita nito sa mga website na may content kaugnay ng nihilism, anti-Semitism, anti-LGBT at iba pang hate material.

Dahil dito, nanawagan si Remulla ng mas maigting na pagkilos laban sa mga online site na maaaring maglantad sa mga kabataan sa karahasan at mapanganib na ideolohiya.

Facebook Comments