KONSULTASYON SA PAGTATAKDA NG MINIMUM WAGE SA REGION 1, SINIMULAN NA

Sinimulan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board I (RTWPB-1), katuwang ang Department of Labor and Employment Regional Office No. 1 (DOLE RO1), ang serye ng konsultasyon sa mga stakeholder bilang bahagi ng proseso sa pagtukoy ng minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong establisimyento.
‎‎Isinagawa ang unang konsultasyon noong August 25 sa Bacnotan Farmers’ Market sa Bacnotan, La Union, alinsunod sa layuning magkaroon ng patas, inklusibo at nakabatay sa ebidensiyang proseso sa pagtatakda ng sahod.

‎Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng labor at management mula sa sektor ng wholesale at retail, manufacturing, transport, energy at turismo upang maibahagi ang kanilang pananaw at mga input kaugnay ng kasalukuyang kalagayan ng sahod.

‎Tinalakay rin ng mga katuwang na ahensiya ang mga socio-economic indicator, presyo ng mga pangunahing bilihin, at pagsunod sa umiiral na minimum wage rates.

‎Ayon kay RTWPB-1 Chairperson at DOLE Regional Director Honorina Dian-Baga, mahalagang marinig ang pananaw ng mga stakeholder upang matiyak na ang mga polisiya sa sahod ay nakabatay sa datos at tumutugon sa pangangailangan ng mga manggagawa, habang isinasaalang-alang ang kakayahan ng mga establisimyento.

‎Magpapatuloy pa ang RTWPB-1 sa pagsasagawa ng mga katulad na konsultasyon sa iba pang sektor upang mas mapalawak ang partisipasyon at maisaalang-alang ang iba’t ibang pananaw sa pagtalakay ng Board sa usapin ng minimum wage. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments