
Patunay ang mismong pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi siya nakaranas ng masamang pagtrato mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang tugon ng Malacañang matapos sabihin ni Duterte na ang kaniyang mga puna ay nakatuon lamang sa pamamalakad ng pangulo at hindi sa kanilang personal na relasyon.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Palace Press Officer Claire Castro kung bakit naging personal ang ilan sa mga naging pahayag ng bise presidente laban kay Pangulong Marcos, kabilang ang nauna nitong banta sa buhay ng pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Pinabulaanan din ni Castro ang pahayag ni VP Sara na walang nagagawa ang administrasyon at magulo ang pamahalaan.
Ayon pa kay Castro, tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng pamahalaan ng mga programa tulad ng pabahay at flood control.
Maging sa Davao City aniya ay may mga proyektong ipinatutupad sa ilalim ng administrasyong Marcos.










