
Malinaw para kay House impeachment trial Spokesperson and Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na nabudol ang mamamayang Pilipino dahil sa maling paggamit ni Vice President Sara Duterte ng P612.5 million na halaga ng confidential funds.
Katwiran ni Adiong, ipinagkatiwala kay VP Sara ang pondo ng bayan pero napunta ito sa mga transaksyon na labag sa mga patakaran ng gobyerno.
Sinabi ito ni Adiong makaraang lumitaw sa mga dokumento at testimonya ni Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil sa impeachment trial ang mga kahina-hinalang pangalan na nakatanggap ng confidential funds.
Lumitaw din na ginastos ito sa incentives o traveling expenses, ginamit na rewards at pambili ng medisina at iba’t ibang kagamitan tulad ng lamesa at upuan na pawang hindi pinapayagan.
Nakakadismaya, ayon kay Adiong, na ang nabanggit na mga tinustusan ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay hindi nasuportahan ng mga kaukulang dokumento.










