33 MAGSASAKA SA ILOCOS NORTE, SINANAY PARA MAKAMIT ANG GAP CERTIFICATION SA PRODUKSYON NG BAWANG

Pinalalakas ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center I (ATI-RTC I) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte ang kakayahan ng mga magsasaka ng bawang upang makalikha ng ligtas, de-kalidad, at mas kompetitibong ani sa pamamagitan ng pagsasanay sa Good Agricultural Practices (GAP).

May kabuuang 33 magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Ilocos Norte ang lumahok sa tatlong araw na “Clove to Market: Training on Good Agricultural Practices (GAP) for Garlic Production” na isinagawa noong Hulyo 14 hanggang 16.

Sa ilalim ng Province-led Agriculture and Fisheries Extension System (PAFES), tinuruan ang mga kalahok ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng bawang, tamang pagpili ng binhi at paghahanda ng taniman, pamamahala sa sustansya at patubig, integrated pest and disease management, pag-aani, postharvest handling, at mga kinakailangan upang makamit ang GAP Certification.

Bilang bahagi ng pagsasanay, bumuo rin ang bawat kalahok ng re-entry plan na magsisilbing gabay sa pagpapatupad at pagpapalaganap ng GAP-compliant na produksyon ng bawang sa kani-kanilang sakahan at komunidad.

Layunin ng programa na mapataas ang produktibidad at kalidad ng lokal na produksyon ng bawang, mapangalagaan ang kapaligiran, mapalakas ang kita ng mga magsasaka, at higit na mapahusay ang kakayahan ng industriya ng bawang sa bansa na makipagsabayan sa merkado. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments