
Cauayan City – Pinasinayaan ng Department of Agriculture-Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office 02 ang bagong farm-to-market road at tulay sa bayan ng Dinapigue.
Ang Digumased-Ayod farm-to-market road na may habang mahigit 8 kilometro at kasama ang 200-metrong tulay ay nagkakahalaga ng P254.6-M at direktang pakikinabangan ng 1,635 residente mula sa mga barangay ng Bucal Sur, Bucal Norte, Dimaluade, Ayod, at Digumased.
Layunin ng proyekto na mapaunlad ang edukasyon, ekonomiya, at transportasyon sa lugar.
Inaasahang bababa ang oras ng biyahe, mababawasan ang gastos sa pagdadala ng produkto, at mapapabuti ang produksyon ng mga magsasaka.
Sa pagtatapos ng seremonya, tiniyak ni Mayor Mendoza, Vice Mayor Derije, at iba pang opisyal na gagamitin ang proyekto para sa higit pang pagpapaunlad ng agrikultura at pangingisda sa bayan ng Dinapigue.