AGARANG PAGHINGI NG TULONG AT PAGSUSUMBONG, INILATAG NG PULISYA MATAPOS ANG INSIDENTE NG PAMBABASTOS SA DAGUPAN CITY

Naglatag ang Dagupan City Police Office (DCPO) ng mga dapat gawin para sa mga biktima ng pambabastos, partikular kapag sumasakay ng tricycle, sa isinagawang Batay Dagupan ng pamahalaang lungsod noong Nobyembre 26, 2026.

Ito ay matapos ang insidente ng pambabastos sa isang pasahero noong Oktubre 29 sa Barangay Tapuac, Dagupan City, kung saan ang biktima ay patungo umano sana sa Barangay Lucao.

Ayon kay PCPT Shayne Daciego ng Women and Children Protection Desk, base sa salaysay ng biktima ay nakaranas umano ito ng pambabastos mula sa driver ng sinakyang tricycle.

Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Land Transportation Office (LTO) at natunton ang sasakyang ginamit ng suspek. Natuklasan ding may prangkisa ang ginamit na tricycle, ayon kay POSO Chief Arvin Decano.

Sa ngayon hinihintay na lamang ang kaso ng suspek bago ito tuluyang mahuli.

Inilatag din ng pulisya ang proseso ng pagre-report sa himpilan ng mga kahalintulad na insidente.

Sinabi naman ni Mayor Belen T. Fernandez na hindi niya inaasahan na may ganitong insidente pa ring mangyayari, lalo’t nakakausap naman ang mga tricycle driver tungkol sa mental health, pang-aabuso at disiplina.

Kasunod nito, iniutos ng alkalde ang pag-update ng ordinansa sa pamamahala ng mga tricycle sa lungsod at pagsusulong ng mga preventive measure upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments