Umaapela si Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa Filipino community sa Canada na itaguyod ang bayanihan sa mga kapwa Pilipino na biktima ng nangyaring insidente sa pagdiriwang ng Lapu Lapu Festival sa Vancouver.

Panawagan ni Estrada sa mga Pilipino sa nasabing bansa, manindigan para sa mga kapwa Pinoy at sikaping tumulong sa mga kababayan nating mangangailangan na kabilang sa mga naapektuhan ng trahedya.

Sinabi ng senador na sa ganitong mga pagkakataon ay ipamalas natin ang pagbabayanihan upang maipakita ang suporta, pagkakaisa at bigyan ng lakas ang pamilya ng mga biktima na malagpasan ang pagsubok.

Kinokondena naman ni Senator Risa Hontiveros ang aniya’y walang damdamin at malupit na karahasan na ginawa sa ating mga kababayan na payapa sanang nagdiriwang ng kultura at pamana sa ating mga Pilipino.

Umaasa si Hontiveros na maibibigay ng Konsulado ng Pilipinas sa Vancouver at iba pang ahensiya ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga pamilya ng mga biktima at tiyaking makakamit ang katarungan.

Facebook Comments