Wednesday, September 9, 2026

Mapagkukunan ng pondo ng CHED kapalit ng posibleng pagbuwag sa travel tax, dapat maipaloob sa 2027 budget

Pinapatiyak ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na maipaloob sa 2027 national budget ang alternatibong mapagkukunan ng bahagi ng pondo ng Commission on Higher Education (CHED) sakaling tuluyang buwagin ang travel tax ngayong taon.

Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations ay binanggit ni Yamsuan na 40 percent ng pondo ng CHED ay galing sa kabuuang koleksyon mula sa travel tax.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, maaapektuhan ng inaasahang pagkawala ng travel tax ang 85.6% ng alokasyon nito sa Higher Education Development Fund ng CHED.

Bunsod nito ay nangako si Yamsuan na sa susunod na pulong ng komite na pinamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Mika Suansing ay gagawa sila ng paraan upang maibalik ang pondo para hindi maantala ang magagandang programa ng CHED.

Ang panukalang batas para sa pagbuwag ng travel tax ay pumasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara noong March 16 habang sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na prayoridad nilang maipasa ngayong taon ang Senate version nito.

Samantala, pinasalamatan naman ni Yamsuan ang mahusay na pagpapatupad ng CHED ng Tulong Dunong Program na nagbibigay ng nasa P15,000 na tulong pinansyal kada school year sa mga kwalipikadong estudyante sa kolehiyo.

Facebook Comments