Hindi lamang talento sa pagsasayaw ang ipinamalas ng mga kabataang mananayaw sa isinagawang Folk Dance Competition sa Alaminos City bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Tourism Month ngayong Setyembre.
Suot ang makukulay at tradisyonal na kasuotan, buong sigla nilang itinanghal ang mga katutubong sayaw na sumasalamin sa mayamang kultura at tradisyon ng bansa.
Pinangunahan ng Alaminos City Tourism and Cultural Affairs Office, tampok sa paligsahan ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod na nagbigay-buhay sa mga pamanang indak na nagmula pa sa ating mga ninuno.
Sa saliw ng mga tugtuging tila nagbabalik sa mga alaala ng nakaraan, bawat galaw ng mga mananayaw ay nagsilbing salamin ng kulturang patuloy na pinagyayaman at ipinapasa sa bagong henerasyon.
Matapos ang masiglang pagtatanghal, itinanghal na Grand Winner ang Alaminos City National High School. Samantala, nagkamit ng 1st Runner-Up ang Western Horizon Skills Training and Assessment Center, 2nd Runner-Up ang Telbang National High School, at 3rd Runner-Up naman ang Colegio San Jose de Alaminos, Inc.
Higit pa sa kumpetisyon, naging pagkakataon ang pagtatanghal upang muling maipakita sa kabataan ang halaga ng pagpapanatili sa mga tradisyong bahagi ng pagkakakilanlan ng isang pamayanan.
Sa bawat sayaw na muling isinasabuhay, hindi lamang mga hakbang ang naipapasa kundi pati mga kuwento, pagpapahalaga, at kulturang bumubuo sa ating pagkatao.
Sa pamamagitan ng mga patimpalak na gaya nito, nananatiling buhay ang mga pamanang kultura—hindi lamang bilang alaala ng nakaraan, kundi bilang tradisyong patuloy na sinasayaw, ipinagmamalaki, at ipinapamana sa susunod na henerasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








