Nasamsam ng Pangasinan Police Provincial Office o PPO ang mahigit ₱1.6 milyon halaga ng ilegal na droga at naaresto ang 50 wanted persons sa magkakahiwalay na operasyon sa buong lalawigan mula Setyembre 21 hanggang 27, 2026.
Ayon sa Pangasinan PPO, umabot sa 39 na operasyon kontra ilegal na droga ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa 39 na suspek.
Kabuuang ₱1,629,433.60 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska, kabilang ang 239.582 gramo ng shabu at 2.3 gramo ng tuyong marijuana.
Samantala, 50 wanted persons ang nasakote sa isinagawang manhunt operations, kabilang ang pitong Most Wanted Persons.
Bukod dito, 17 operasyon naman ang isinagawa laban sa mga loose firearms na nagresulta sa pagkakaaresto sa 14 na indibidwal at pagkakarekober ng 53 armas.
Sa naturang bilang, 22 ang nakumpiskang baril, 29 ang isinukong hindi lisensyadong armas, habang dalawa naman ang mga abandonadong baril.
Samantala, nagsagawa rin ng pitong operasyon laban sa ilegal na sugal na nagresulta sa pagkakaaresto sa 20 indibidwal at pagkakakumpiska ng ₱10,111 na perang hinihinalang sangkot sa ilegal na sugal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






