
Iginiit ng Malacañang na hindi itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang umano’y pagbabanta nito sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sa naging pagdinig ay hindi umano pinabulaanan ng bise presidente ang akusasyon.
Sa halip, freedom of expression lamang aniya ang naging depensa nito.
Sinabi ni Castro na matagal nang usapin ang umano’y death threat laban sa pangulo at nauna na itong hinarap ni Pangulong Marcos matapos lumabas ang pahayag ng bise presidente tungkol sa pakikipag-usap umano sa isang assassin.
Samantala, nilinaw ni Castro na hindi minonitor ng pangulo ang bahaging iyon ng impeachment trial dahil nakatutok ito sa mga pagpupulong at iba pang mahahalagang gawain ng pamahalaan.










