Sunday, August 23, 2026

Pagdinig ng DOLE sa employment status ni Tab Baldwin, ipagpapatuloy mamaya

Ipagpapatuloy ngayong araw ang pagdinig ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa estado ng pagtatrabaho sa Pilipinas ni dating Ateneo Basketball Head Coach Tab Baldwin.

Inaasahang darating din mamayang hapon ang mga abogado ng Ateneo de Manila University at ang legal counsel ni Baldwin para sa pagpapatuloy ng clarificatory hearing.

Sa unang pagdinig noong June 29, lumabas sa records ng DOLE na hindi nag-apply para sa Alien Employment Permit si Baldwin at hindi rin nagsumite ng aplikasyon para sa exemption o exclusion.

Dumepensa naman ang kampo ng basketball coach na hindi umano kinakailangan ng AEP dahil binigyan na ito ng permanent residency visa sa Pilipinas.

Bahagi ang clarificatory hearing ng imbestigasyon ng Labor Department kung may pahintulot ba ang kaniyang pagtatrabaho sa bansa at pagiging head coach ng Ateneo Men’s Basketball Team.

Nangyari ito kasunod ng pagkasawi ng Ateneo basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa gitna ng team building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo.

Facebook Comments