
Itinaas na ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang lahat ng units nito kasabay ng pagdiriwang ng Independence Day.
Kung saan epektibo ang nasabing status hanggang 11:59 ng gabi ng June 12, ngayong araw.
Kaugnay nito nasa kabuuang 89, 473 na mga personnel ang idineploy sa buong bansa, kabilang dito ang 77,020 PNP personnel, 1,975 personnel mula sa ibang units at 10, 478 na mga force multipliers.
Sa nasabing bilang, nasa 16 na libong personnel ang dineploy lang para sa National Capital Region.
Ang mga nasabing personnel ay naka assign sa mga key locations kasama na ang Rizal Park, mga historic monuments, mga pasilidad ng gobyerno, transport terminals, pangunahing mga kalsada at mga lugar na inaasahan ang pagdagsa ng mga tao.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nakahanda na ang PNP para tumiyak ng seguridad sa nasabing importanteng okasyon kung saan ang mga tauhan ng pulisya ay nakaalerto at nakahanda anumang oras.
Dagdag pa nya, patuloy ang koordinasyon ng pulisya sa mga lokal na pamahalaan , partner agencies at force multipliers para mapagtibay ang security operations sa buong rehiyon.










