Pinaigting ng Commission on Elections (COMELEC) at ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026 kasabay ng patuloy na pagdami ng mga rehistradong botante sa bayan.
Batay sa tala ng COMELEC-Mangaldan, umabot na sa 70,006 ang kabuuang bilang ng rehistradong botante hanggang Abril 21 habang nasa 4,077 naman ang mga bagong registrants mula Oktubre ng nakaraang taon.
Kasalukuyan ding sinusuri ng ahensya ang mahigit 1,200 aplikasyon na natanggap noong Abril bago ilabas ang pinal na listahan ng mga kwalipikadong botante para sa halalan.
Bilang bahagi ng preparasyon, inatasan ang lahat ng barangay na bumuo ng Barangay Inventory Team (BIT) bago sumapit ang Hunyo 3 upang tiyakin ang maayos na inventory at turnover ng mga dokumento, kagamitan, at iba pang ari-arian ng barangay.
Magtatatag din ang lokal na pamahalaan ng Municipal Assessment and Transition Team (MAAT) na tutulong sa pangangasiwa ng mga rekord at financial documents bilang paghahanda sa nalalapit na BSKE. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







