
Itutuloy ng Korte Suprema ang oral arguments kaugnay sa kwestyonableng paggamit ng unprogrammed funds at special accounts sa ilalim ng General Appropriations Act mula 2024 hanggang 2026.
Ayon sa SC, isasagawa ang oral arguments alas-9:30 ng umaga sa En Banc Session Hall sa June 2, 9 at 16.
Tatalakayin pa rin dito ang consolidated o pinagsamang petisyon na inihain nina dating senador Koko Pimentel, ML Party-list Rep. Leila de Lima at iba pa na kumukuwestiyon sa ilang probisyon ng national budget.
Kinukuwestiyon ng mga petitioner ang umano’y bilyong pisong dagdag o insertions ng bicameral conference committee sa national budget sa nakalipas na tatlong taon.
Kabilang dito ang halos kalahating trilyong pisong insertion sa 2024 budget, mga pagbabago sa special accounts at Department Of Public Works And Highways (DPWH) road fund sa 2025 budget, at mahigit P150 billion unprogrammed appropriations sa 2026 national budget na posible umanong labag sa Konstitusyon.
Nitong Abril nang simulan ang oral arguments kung saan iginiit ng Office of the Solicitor General na mahalaga umano ang unprogrammed appropriations upang magamit ng gobyerno sakaling magkaroon ng dagdag na pondo o revenue collections.










