HEAVY VEHICLES, BAWAL MUNANG DUMAAN SA NUEVA VIZCAYA PANGASINAN ROAD DAHIL SA ROAD SLIPS

Ipinagbawal muna ang pagdaan ng mga heavy vehicles sa ilang bahagi ng Nueva Vizcaya–Pangasinan Road sa bayan ng Santa Fe, Nueva Vizcaya matapos ang sunod-sunod na naitalang road slips sa lugar.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) – Nueva Vizcaya 2nd District Engineering Office, tanging mga light vehicles lamang ang pansamantalang pinapayagang makadaan habang patuloy na mino-monitor ang kondisyon ng kalsada.

Kapansin-pansin ang mga inilagay na karatula sa mga apektadong bahagi ng highway noong Mayo 18 para ipaalam sa mga motorista ang umiiral na restriksyon.

Ayon sa lokal na pamahalaan, delikado umano ang kasalukuyang kalagayan ng daan dahil sa pagguho at pagbitak ng ilang bahagi nito na maaaring lumala kapag dinaanan ng mabibigat na sasakyan.

Kadalasang ginagamit ang daan ng mga biyaherong mula sa lambak ng Cagayan kabilang ang Isabela, Cagayan at Nueva Vizcaya, gayundin ang mga mula Pangasinan at iba pang bahagi ng Gitnang Luzon.

Kaugnay nito, pinayuhan ang mga truck at iba pang heavy vehicles na gamitin ang Maharlika Highway bilang alternatibong ruta habang nagpapatuloy ang assessment sa kondisyon ng naturang kalsada. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments