Singitan sa pila, ito ang hinaing ng ilang mga motorcycle taxi at delivery riders na maagang pumila para sa special payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City Memorial Circle.
Ayon kay Jovel Baltazar, isang delivery rider, alas-2:00 pa lang ng umaga ay nakapila na siya para makatanggap ng nasabing pay out, ngunit nangangamba siya na baka hindi agad makapasok dahil sa mga sumisingit at wala sa pila.
Ayon naman Daniel Dazo isang motorcycle taxi driver, maaga rin sila dumating ngunit magulo ang naging sistema dahil may nagpapila sa kanila sa kabilang parte.
Panawagan niya sana ay may nag-aayos ng pila para hindi masayang ang punta nila.
Inaasahan naman na magpapatuloy ang special pay out hanggang bukas, ito ay para sa mga karagdagang motorcycle taxi at delivery rider sa Metro Manila na hindi naisama sa orihinal na listahan ng benepisyaryo.











