
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, target ng House Committee on Justice na tapusin sa April 29 ang impeachment hearings laban kay Vice President Sara Duterte.
Bunsod nito ay inaasahan na sa pagbubukas ng session simula sa May 4 ay mailalatag na sa plenaryo ng Kamara ang committee report kaugnay sa ikatlo at ika-apat na impeachment complaints laban kay Duterte.
Anumang magiging desisyon o rekomendasyon ng Komite ay maaring pagtibayin o baligtarin pagdating sa plenaryo.
Binanggit ni Adiong, na magpapatuloy pa sa April 22 at April 29 ang impeachment proceedings para madetermina ng Komite kung mayroong probable cause o sapat na batayan para iakyat sa senate impeachment court ang mga reklamong impeachment laban kay VP Sara.
Kabilang sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaints ang pagbabanta ni VP Sara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, Unang Ginang Liza Marcos, at dating speaker Martin Romualdez.
Kasama rin ang maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at kaduda-dudang deklarasyon sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).










