
Positibo ang pananaw ng pandaigdigang investment bank na Morgan Stanley sa Globe Telecom Inc., habang papalapit ang inaabangang initial public offering ng Mynt, parent company ng GCash.
Sa pinakahuling research report ng Morgan Stanley, pinanatili nito ang positibong assessment sa Globe, partikular sa potensiyal ng operasyon nito at paglago ng digital economy sa bansa.
Mas napapanahon ito habang naghahanda ang Mynt sa IPO matapos aprubahan ng Philippine Stock Exchange ang aplikasyon nito para sa listing.
Patuloy namang pinakamalaking minority shareholder ng Mynt ang Globe, na may 33-percent stake kasama ang Ayala Corp.
Dahil dito, inaasahang makikinabang ang Globe sa patuloy na paglago ng GCash, bagama’t magkahiwalay na capital-market transaction ang IPO.
Samantala, hindi direktang nangangahulugan ang positibong pananaw ng Morgan Stanley na magiging ganito rin ang magiging valuation o resulta ng GCash IPO.
Nakatutok ngayon ang mga investor sa magiging presyo ng shares, demand at performance ng offering, habang patuloy na lumalawak ang digital payments at financial technology sector sa bansa.










