
Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang ikalawang hiling ni Bong Revilla na umatras sa paghawak ng kanyang kaso si Associate Justice Karl Miranda.
Sa resolusyong may petsang September 24, iginiit ni Revilla na posibleng may bias si Miranda dahil kapatid nito si Atty. Buenaventura Miranda, na naging abogado ng prosecution witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Kinuwestiyon din ng kampo ni Revilla ang naging dissenting opinion ni Miranda sa kanyang bail application at ang mga pahayag nito tungkol sa Good Conduct Time Allowance o GCTA, na anila’y maaaring magbigay ng impresyong napangunahan na ang kaso.
Pero sinabi ng korte na walang malinaw at kapani-paniwalang ebidensiya ng bias. Nilinaw din nitong si Bernardo ay testigo lamang at hindi partido sa kaso, habang ang pagbanggit ni Miranda sa GCTA ay pagpapaliwanag lamang sa karapatan ng mga akusado.
Dahil dito, mananatili si Justice Miranda sa Third Division at magpapatuloy sa pagdinig ng kaso ni Revilla.










