
Itinuro ng isang dating pulis na nagsilbing security ni noo’y House Speaker Lord Allan Velasco si Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo na nagdeliver umano ng pera mula sa mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Sa bahagi ng sinumpaang salaysay ni Rodulfo Gracioso Jr., sinabi niyang isa si Quimbo sa mga umano’y pinagmumulan ng cash delivery kay Velasco na naging mas naging madalas umano matapos maging Speaker noong Oktubre 2020.
Ayon kay Gracioso, narinig niya mismo kay Quimbo na ang perang inihahatid ay nagmula kina Curlee at Sarah Discaya at iba pang contractors ng Department of Public Works and Highways.
May pagkakataon din aniyang inutusan siya ni Velasco na kumuha ng pera kay Quimbo sa Katipunan, Quezon City kung saan nakita rin daw niya ang noo’y DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kasama ang mambabatas.
Bukod kay Quimbo at mag-asawang Discaya, kabilang din umano sa pinagmulan ng pera sina dating Cong. Zaldy Co at ilang DPWH contractors.
Matatandaang asawa ng kasalukuyang kongresista na si dating Representative Stella Quimbo ay naging senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations at miyembro ng bicameral conference committee noong deliberasyon sa 2025 national budget.
Naging bahagi rin siya ng tinaguriang small committee na tumalakay sa mga umano’y budget insertions bago italagang acting chairperson ng Appropriations Committee matapos bumaba sa puwesto si Zaldy Co.
Ang naturang salaysay ay bahagi rin ng sinabi ni Gracioso na naghahatid umano siya ng pera kina Vice President Sara Duterte sa utos ni Velasco.










