Saturday, May 30, 2026

PBBM, binanatan ang mga nagpasimula ng gulo sa pulitika

Sa gitna ng mga gulo sa pulitika sa pagpasok ng kaniyang ika-apat na taon sa puwesto, iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya ang dapat magpababa ng tensyon kundi ang mga taong mismong nagpasimula nito.

Ayon sa pangulo, hindi siya kailanman nagsimula ng bangayan o umatake ng laban sa kahit anong grupo dahil ang ginagawa lamang niya ay magtrabaho.

Hindi na pinangalanan ni Pangulong Marcos kung sino ang tinutukoy niyang nagpapalala ng sitwasyon pero sinabi nitong marami ang sangkot.

Binanatan din ng pangulo ang ilang politikong tinawag niyang “obstructionists” na aniya’y walang ginagawa kundi manggulo at kontrahin ang lahat ng hakbang ng administrasyon.

Giit ng pangulo, hindi para sa kapakanan ng taumbayan kumikilos ang mga ito kundi para sa sariling interes.

Nahaharap ang administrasyon sa matinding tensyon sa pulitika kasunod ng hidwaan ng pangulo kay Vice President Sara Duterte, pagbabago ng puwersa sa Senado, at nalalapit na impeachment trial laban sa Bise Presidente.

Facebook Comments