Agad na naapula ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sumiklab na grass fire sa Sitio Sawang, Barangay Bamban, Infanta, Pangasinan noong Mayo 13.
Batay sa ulat ng BFP Infanta, rumesponde ang mga bumbero bandang alas-2:39 ng hapon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa sunog sa damuhan sa naturang lugar.
Dahil hindi madaanan ng fire truck ang makitid na daan patungo sa pinangyarihan, gumamit ang mga rumespondeng tauhan ng water sprayers at fire swatters upang makontrol at tuluyang maapula ang apoy.
Naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng magkakatuwang na pagkilos ng mga bumbero, mga opisyal ng barangay, Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), at mga residente sa lugar.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
Samantala, muling nagpaalala ang BFP sa publiko na iwasan ang pagsisiga at tiyaking maayos ang pagtatapon ng upos ng sigarilyo upang maiwasan ang pagkalat ng sunog, lalo na ngayong panahon ng tag-init. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





