P660K HALAGA NG MARIJUANA, NASAMSAM SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON SA LA UNION

Tinatayang aabot sa P660,000 halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa mga bayan ng Bauang at Aringay sa lalawigan ng La Union.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 1 (PRO1), kabuuang 5.5 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa isinagawang anti-illegal drug operations.

Sa bayan ng Bauang, isang hinihinalang high-value individual ang naaresto sa operasyon na ikinasa madaling araw ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Narekober mula sa suspek ang tinatayang 1.5 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may tinatayang halagang P180,000.

Samantala, sa hiwalay na operasyon bandang tanghali sa bayan ng Aringay, isa pang hinihinalang high-value individual ang nadakip ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang apat na kilo ng pinatuyong dahon at fruiting tops ng marijuana na nagkakahalaga ng P480,000.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga nasabing ilegal na droga at posibleng ugnayan ng mga naaresto sa ilegal na bentahan ng marijuana sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments