
Nagkasa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng LGBTQ+ sa labas ng Department of Justice (DOJ).
Ito’y para ipanawagan na palayain ang mga bilanggong politikal kasabay ng pagdiriwang ng Pride Month.
Bukod sa mga political prisoners na sinasabi nilang ikinulong ng hindi dumaan sa tamang proseso ng batas, hiling din nila na papanagutin ang mga responsable sa pagpatay sa mga aktibistang LGBTQ+ sa Toboso, Negros Occidental.
Giit ng grupo, hanggang ngayon ay wala pa rin nakukuhang hustisya ang mga kasamahan nila na nananatiling nakakulong at kinitil ang buhay.
Kasama ng mga miyembro ng LGBTQ+ ang grupo ng KARAPATAN na hinihikayat ang pamahalaan na atasan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na itigil na ang ginagawang red tagging sa mga katulad nila o indibidwal na ang ginagawa lamang ay ipaglaban ang karapatan pantao.










