Saturday, June 13, 2026

Paggana ng Navotas floodgates at pumping stations, dapat tiyakin ng MMDA

Nanawagan si Navotas Representative Toby Tiangco sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na agarang tiyakin ang operasyon ng anim na bagong floodgate at dalawang bagong pumping station ng Navotas Coastal Dike Project.

Apela ito ni Tiangco matapos lumiham sa kanya ang MMDA na nagsasabing hindi naisama sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses para sa 2026 at 2027 ang pondo para sa operasyon ng mga pasilidad.

Dismayado si Tiangco sa sinabi ni MMDA Chairman Don Artes na sa 2028 pa magkakaroon ng budget ang nabanggit na mga pasilidad sa halip na hanapan ng paraan na ito ay mapondohan.

Punto ni Tiangco, ang 2027 budget ay ginagawa palang ngayon kaya pwede pang ihabol habang ang para sa 2026 naman ay magagawan ng paraan kung makikipagtulungan ang MMDA sa Department of Pubic Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management (DBM) at Office of the President.

Binigyang-diin ni Tiangco na ang proyekto ay matagal nang bahagi ng mga plano para sa mahadlangan ang pagbaha sa Navotas at isinailalim pa ito sa pagsusuri ng Regional Development Council–National Capital Region para 2022 Budget sa ilalim ng Metro Manila Council.

Facebook Comments