
Binigyang-diin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kanyang talumpati sa 7th Global Conference on Sustainable Development Goal 16 sa United Nations Headquarters sa New York City, na hindi dapat matapos ang imbestigasyon sa flood control at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan sa pagpapanagot sa mga taong sangkot sa katiwalian.
Kailangan umanong magbunga ng reporma sa mga institusyon ng pamahalaan at suriin ang mas malalim na kahinaan sa sistema na nagiging daan umano sa katiwalian.
Maliban dito, inihayag din ni Remulla na ang nasabing mga hamon ay isa sa mga pagkakataon ng pamahalaan para maitama ang mga pagkukulang sa sistema.
Kasabay nito, tiniyak din ni Remulla na mananatiling matatag ang Office of the Ombudsman sa pagpapanagot sa mga opisyal na umaabuso sa kanilang kapangyarihan, alinsunod sa mandato ng Konstitusyon.










