
Pinadaragdagan ni Senator Sherwin Gatchalian ang bilang ng mga guidance designates sa mga pampublikong paaralan upang masugpo ang mga kaso ng bullying.
Ayon kay Gatchalian, ang mga guidance designates ay mga guro din na inatasang gampanan ang tungkulin na may kaugnayan sa guidance services.
Itinuturing ng senador na pansamantalang solusyon ito habang hindi pa tuluyang natutugunan ang kakulangan ng mga guidance counselors sa mga paaralan.
Hiniling din ng mambabatas na repasuhin ang ideal ratio ng mga guidance designates o guidance counselor depende sa laki ng paaralan at dami ng mag-aaral.
Sa ngayon, sa kada 500 estudyante ay isang guidance designate o guidance counselor ang nakatalaga.
Gayunman, kulang na kulang pa rin ito dahil batay sa datos ng Department of Education (DepEd) sa 45,320 na mga eskwelahan ay nasa higit 10,400 naman ang mga walang guidance designates ngayong taon.