Opisyal nang nagtapos ang Southwest Monsoon o Habagat season, ayon sa DOST-PAGASA.
Batay sa weather assessment ng ahensya, kapansin-pansin nitong mga nakaraang araw ang unti-unting pagbabago sa umiiral na weather pattern sa bansa.
Kabilang dito ang paglakas ng high pressure system sa East Asia, pag-usad patimog ng Intertropical Convergence Zone o ITCZ, gayundin ang kapansin-pansing paghina ng hangin at pagbaba ng pag-ulan na iniuugnay sa Habagat.
Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang mga kondisyong ito sa mga susunod na araw kaya idineklara na ang opisyal na pagtatapos ng panahon ng Habagat.
Kasabay nito, itinuturing na ring tapos ang tag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Gayunman, patuloy pa ring imo-monitor ng DOST-PAGASA ang lagay ng panahon at mga kondisyong pangklima sa bansa.
Pinapayuhan naman ang publiko at mga kinauukulang ahensya na manatiling nakatutok at regular na subaybayan ang mga inilalabas na weather at climate information ng DOST-PAGASA.
Sa ngayon ay ilang bahagi ng Pangasinan ang nakakaranas ng maalinsangang panahon lalo na sa tanghali hanggang hapon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










