Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga manggagawa at employer sa pagtalakay sa usapin ng minimum wage sa isinagawang public hearing sa Dagupan City.
Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, hindi lamang halaga ng sahod ang dapat pagtuunan ng pansin sa pagtukoy ng minimum wage, kundi maging ang kabuhayan at dignidad ng mga manggagawa, gayundin ang kakayahan ng mga negosyo at patuloy na pag-unlad ng ekonomiya.
Ipinunto ng alkalde ang mahalagang papel ng mga manggagawa sa lipunan kaya nararapat lamang umanong mapag-usapan ang kanilang mga kapakanan, kabilang ang nararapat na sahod kapalit ng kanilang trabaho.
Kasabay nito, binigyang-halaga rin ang papel ng mga employer at negosyante na lumilikha ng trabaho, namumuhunan, nagbabayad ng buwis, at nakatutulong sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya.
Kabilang sa dumalo sa dayalogo ang mga kinatawan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board o RTWPB-1, Department of Labor and Employment o DOLE Region 1, Department of Trade and Industry o DTI Region 1, at iba pang labor at management representatives.
Dumalo rin sina RTWPB-1 Chairperson at DOLE Region 1 Director Honorina Dian Baga; RTWPB-1 Vice Chairperson at DTI Region 1 Director Merlie C. Membrere; RTWPB-1 Vice Chairperson at DEPEV Region 1 Director Stephanie Christiansen; at DOLE Central Pangasinan Chief Rhodora Dingle.
Kasama rin sa dayalogo sina Dagupan PESO Manager Joy Siapno, RTWPB-1 Labor Representatives Catherine Q. Pangan at Dominador M. Tuvera, at Management Representatives Salvador Poserio at Ives Nisce.
Layunin ng pagdinig na marinig ang mga pananaw ng iba’t ibang sektor bilang bahagi ng proseso ng pagtalakay sa usapin ng minimum wage.
Samantala, patuloy ang panawagan ng ilang Pangasinense na magkaroon ng pagtaas sa sahod tulad na lamang ng naipatupad sa NCR kung saan ₱60 na dagdag sahod habang nakatakda naman sa January 2027 ang natitirang ₱25. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










