
Aabot sa 982 na mga guro sa pampublikong paaralan ang makikinabang sa ginawang pamamahagi ng laptop at TV ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ang mga nasabing guro ay pawang mga nagtuturo sa Kindergarten at Grade 1 mula District 1 hanggang District 6.
Pinangunahan nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza ang aktibidad kung saan ang nasabing hakbang ay bahagi ng “One Laptop, One TV, One Classroom” Program ng Manila local government unit.
Nasa 551 na 55” na smart TV at 982 na laptops ang natanggap ng mga pampublikong guro na malaking tulong para sa kanilang pagtuturo.
Sinabi ni Mayor Isko na ang programa ay paraan din para mapataas pa ang antas ng kalidad ng pagtuturo ng mga guro at ang mga estudyante ng mga ito ang makikinabang.
Bagama’t aminado ang alkalde na hindi sapat ang pondo ng lokal na pamahalaan ng Maynila, sinikap nila na matugunan ang pangangailangan sa sektor ng edukasyon na isa sa kanilang mga pangunahing prayoridad.










