Monday, June 1, 2026

Sen. Estrada, handang harapin ang mga kaso laban sa kanya

Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na handa niyang harapin ang mga kaso na inihain laban sa kanya.

Kasunod na rin ito ng kusang loob na pagsuko ni Estrada sa Camp Crame matapos na maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan 5th Division kaugnay sa plunder at graft cases ng senador tungkol sa maanomalyang flood control projects.

Iginiit ni Estrada na handa niyang harapin at ipagtanggol ang sarili para patunayan na walang batayan ang mga paratang laban sa kanya..

Tinawag din na kalokohan ng senador ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan dahil napatunayan aniya na walang record ang LBRMO na nagsingit siya ng pondo para sa flood control projects noong 2025.

Inamin din ni Estrada na inalok siyang lumipat ng minorya at kapalit nito ang pagbasura sa mga kaso pero hindi niya ito tinanggap.

Nanindigan ang mambabatas na mananatili siya sa hanay ng mga kasamahan sa independent majority.

Kung ang pag-aresto at pagkulong sa kanya ang kapalit ng kanyang paninindigan, tiniyak ng senador na handa niyang harapin ito.

Naunang sinabi ni Estrada na hindi siya magtatago sa Senado at hindi matitinag sa anumang political maneuver o panggigipit at hindi magpapapressure sa kalayaan niyang magpasya.

Samantala, binigyan ni Estrada ng instruction ang Senate Secretariat na i-hold ang kanyang sweldo habang nililinis niya ang kanyang pangalan.

Kasama kanina ni Estrada na humarap sa presscon sina Senate President Alan Peter Cayetano, Senators Imee Marcos, Rodante Marcoleta, at Camille Villar.

Facebook Comments