HALOS 3,200 PROYEKTO NG CONSTRUCTIONS NAITALA NG PSA SA ILOCOS REGION

Umabot sa 3,244 construction projects ang naitala sa rehiyon sa ikaapat na quarter ng 2025 batay sa approved building permits, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Sa kabuuang bilang, nangingibabaw ang residential buildings na may 2,239 proyekto o 69%, habang 813 naman ay non-residential o 25.1%. Ang natitira ay mula sa alterations, repairs, at iba pang construction activities.

Pinakamalaki ang ambag ng Pangasinan na may 1,284 proyekto o 39.6% ng kabuuan, kasunod ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union.

Sa halaga, pumalo sa ₱7.46 bilyon ang kabuuang construction value sa rehiyon, kung saan nanguna pa rin ang Pangasinan na may ₱2.67 bilyon.

Karamihan sa residential projects ay single houses, habang sa non-residential, halos tatlo sa apat ay commercial buildings, palatandaan ng patuloy na galaw sa real estate at negosyo sa rehiyon.

Gayunman, sa kabila ng pagdami ng proyekto, lumilitaw ang tanong sa kalidad, urban planning, at affordability ng pabahay, lalo’t umaabot sa mahigit ₱12,000 kada metro kuwadrado ang average na gastos sa residential construction.

Ipinapakita ng datos na patuloy ang paglago ng konstruksyon sa Ilocos Region, ngunit kasabay nito ang hamon sa balanseng pag-unlad at abot-kayang pabahay para sa mga residente.

Facebook Comments