Patuloy na pinalalakas ang sektor ng turismo at lokal na negosyo sa Lingayen, sa pagpapatupad ng mga itinakdang regulasyon at alituntunin upang maging accredited ng pamahalaan at gawing pormal ang istruktura at operasyon sa bayan.
Sa isang pagpupulong ng Committee on Trade, Commerce, Entrepreneurship, and Tourism, binigyang-diin ang lumalawak na hanay ng mga tourism at business stakeholders at ang pangangailangan upang gawing legal ang operasyon na susi upang mapayabong pa ang sektor.
Tinalakay sa nasabing pulong ang mahahalagang usapin kabilang ang akreditasyon mula sa Department of Tourism (DOT), pagsunod sa mga rekisito ng Land Management Bureau, at ang napapanahong pagsusumite ng buwanang datos ng tourist arrivals na mahalaga sa pagpaplano at paggawa ng mga polisiya.
Isa sa mga naging tampok ng pagpupulong ang pinal na pag-apruba sa Constitution and By-Laws ng Lingayen Enterprises and Tourism Stakeholders Governing Organization o LETSGO na isang mahalagang hakbang tungo sa mas organisado at pormal na estruktura ng samahan.
Hinikayat naman ang mga nasa tourism at business sector na iparehistro ang kanilang mga negosyo upang higit na mapatatag ang identidad ng Lingayen bilang sentro ng turismo at kalakalan sa buong lalawigan na inaasahang higit pang magpapaunlad sa industriya ng turismo.







