Halos 80 thousand na bullying cases, naitala mula 2019

Tinatayang aabot sa higit 79,800 na kaso ng bullying ang naitala ng Department of Education (DepEd) mula 2019 hanggang 2022.

Sa pagdinig, inireport ni DepEd Asec. Dexter Galban na sa bilang na ito mahigit 65,100 ang physical bullying habang mahigit 14,600 naman ang cyberbullying.

Batay naman sa helpline data ng DepEd, mula November 24, 2022 hanggang nitong April 7 ay mayroong higit 1,300 na naireport na cyberbullying, physical bullying, verbal bullying, at bullying “in general”.

Mula November 2022, may 35 estudyante na edad 15 hanggang 17 anyos ang nakasuhan dahil may malubhang nasaktan o napatay.

Itinuturing naman na hotspots o mga lugar na may pinakamataas na bullying cases ang NCR, Region 4, at Region 3.

Bagamat sinabi ni Galban na mayroong mga itinalagang Child Protection Committee (CPC) sa mga paaralan na tutugon sa bullying, sinabi ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian na 40,000 public schools ay higit 3,200 lang ang mayroong CPC kaya naman hindi nakapagtataka na talamak ang bullying sa mga eskwelahan.

Facebook Comments