
Mas paiigtingin pa ng Pilipinas at Japan ang kanilang pagtutulungan sa pagtugon sa mga sakuna matapos ang naging kooperasyon ng dalawang bansa sa sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Sa summit meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi sa Tokyo, binanggit ng pangulo ang mabilis na pagpapadala ng Japan ng mga technical expert upang tumulong sa pagresponde sa insidente.
Ayon sa pangulo, ipinakita ng agarang aksyon ng Japan kung paano nakatutulong ang matibay na ugnayan ng dalawang bansa sa panahon ng mga krisis at emergency.
Tumulong ang Japanese experts sa pagbibigay ng teknikal na payo sa firefighting operations, air quality monitoring, at waste management habang tinutugunan ang sunog na nagdulot ng makapal na usok at pangamba sa mga residente ng Navotas at iba pang bahagi ng Metro Manila.
Kasabay ng lumalawak na strategic partnership ng Pilipinas at Japan, inaasahan ding lalalim pa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa disaster preparedness, emergency response, at paggamit ng teknolohiya upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna sa mga komunidad.










