
Kinatigan ni Senator Grace Poe ang pagpayag ng Department of Transportation (DOTr) na makabyahe ang mga unconsolidated traditional jeepney sa mga lansangan sa gitna na rin ng isinagawang protesta ng ilang grupo ng mga driver at operator.
Ayon kay Poe, ang ginawang ito ng ahensya ay isang hakbang para sa tamang direksyon.
Umaasa si Poe na hindi pahihirapan ng DOTr at iba pang kaukulang ahensya ang mga jeepney driver at operator sa pagkuha o pagrenew ng kanilang mga prangkisa.
Hiniling din ng mambabatas na kasabay nito ay dapat pinaghahandaan na rin ng mga ahensya ang planong ruta para matiyak na may sapat na transportasyon ang mga commuter sa lahat ng kalsada.
Sinabi pa ng Senador na ang kailangan natin sa huli ay modernisasyon na mayroong dignidad, ligtas, at nakasasabay sa pamantayang international.