Wednesday, August 26, 2026

HALOS PANG-ISANG BUWANG ULAN, BUMUHOS SA DAGUPAN SA LOOB NG 12 ARAW; MALAKAS NA ULAN MULING NAKAAMBA

‎Halos katumbas na ng normal na dami ng ulan para sa buong buwan ng Agosto ang bumuhos sa Dagupan City sa loob lamang ng 12 araw, habang posible na namang makaranas ng malakas na pag-ulan ang lungsod at iba pang bahagi ng Pangasinan sa mga susunod na araw.

‎Batay sa datos ng PAGASA-Dagupan, umabot sa 484 millimeters ang aktuwal na dami ng ulan na naitala sa lungsod mula Agosto 8 hanggang 19, 2026.

‎Katumbas ito ng 83 porsiyento ng normal na rainfall sa Dagupan para sa buong buwan ng Agosto na nasa 581.3 millimeters.

‎Ibig sabihin, sa loob lamang ng 12 araw, halos naabot na ng Dagupan ang karaniwang dami ng ulan na inaasahang matatanggap nito sa loob ng isang buong buwan.

‎Kasabay ng malaking volume ng ulan ang matinding pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng lungsod nitong mga nakaraang araw, na nakaapekto sa maraming residente at mga komunidad.

‎Samantala, posible pang madagdagan ang naitalang rainfall ngayong buwan dahil muling nakaamba ang malakas na pag-ulan sa Pangasinan.

‎Sa 24-Hour Rainfall Forecast na inilabas ng DOST-PAGASA alas-11:00 ng umaga ngayong Agosto 25, posibleng mapailalim sa Yellow Warning Level ang Pangasinan mula ngayong araw, Agosto 26, hanggang Huwebes ng hapon, Agosto 27, kung saan maaaring umabot sa 50 hanggang 100 millimeters ang ulan.

‎Gayunman, maaari pang magbago ang rainfall outlook depende sa magiging kondisyon ng panahon. Inaasahang maglalabas ng panibagong weather advisory ang PAGASA alas-5:00 ng hapon.

‎Dahil sa malaking dami ng ulan na natanggap na ng Dagupan nitong Agosto at posibilidad ng panibagong malakas na pag-ulan, pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at mga komunidad na madaling bahain, na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA at lokal na mga awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments