
Kinumpirma ni Dr. David Suplico, Medical Center Chief ng San Lazaro Hospital, na umakyat na sa 135 ang lahat ng pasyenteng tinamaan ng Leptospirosis na naka-admit sa ospital.
Kabilang na dito ang 31 bagong kaso na naitala mula kahapon hanggang kaninang alas-7:00 ng umaga.
Sinabi pa ni Dr. Suplico na ang bilang ng mga admitted na pasyente ay lagpas na sa nakalaang 120 kama ng ospital para sa mga tinamaan ng Leptospirosis.
Puno na rin aniya ang 10-bed capacity sa Emergency Room ng naturang ospital, bukod pa sa maraming pasyenteng naghihintay sa nasabing pasilidad.
Panawagan ni Dr. Suplico sa mga lumusong sa baha at nagkalagnat na agad nang magpakonsulta.
Ito’y para matukoy o makuha nila ang mga pasyenteng mild at moderate ang sitwasyon upang maagapan at mas madali ang gamutan.
Paliwanag ni Dr. Suplico, hirap na silang gamutin ang severe cases ng Leptospirosis at nasa 50% ang mortality o panganib na mamatay ang pasyenteng malala na ang kondisyon nang magpasuri.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na inaasahan pa ang pagtaas ng kaso ng Leptospirosis hanggang sa susunod na isa hanggang dalawang linggo dahil sa incubation period ng sakit matapos ang mga pagbaha.










