
Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa mga kumakalat na disinformation kaugnay sa nationwide deworming activities ngayong buwan.
Ayon sa DOH, nananatiling ligtas, epektibo, at napatunayan na ang deworming para maprotektahan ang mga kabataan mula sa mga bulate.
Ipinunto pa ng kagawaran na madaling magkabulate sa mga bata dahil sa contact sa kontaminadong lupa na kapag hindi ginamot ay maaaring mauwi sa mababang nutrisyon, anemia, pagkabansot, delayed na pagkatuto, at mas mababang resistance sa mga sakit.
Sabi pa ng DOH, halos tatlong dekada nang ginagamit ang gamot na Albendazole sa naturang programa at inirerekomenda rin ng World Health Organization (WHO).
Samantala, inatasan na rin ng kagawaran ang health workers at LGUs na mahigpit na sundin ang safety protocols sa pagsasagawa ng school-based at community-based deworming activities.
Hinimok din nila ang publiko na tanging sa mga beripikadong impormasyon lamang mula sa DOH bumatay at iwasan ang pagkakalat ng hindi tunay na mga ulat.
Ginawa ng DOH ang pahayag kasunod ng pagkasawi ng isang estudyante dahil sa septic shock matapos ang deworming activity.










