PINALAKAS NA BLOOD LETTING PROGRAMS, ISINUSULONG SA BAGONG PARTNERSHIP NG RMN FOUNDATION AT REGION 1 MEDICAL CENTER

Pormal ng inilunsad ang panukalang partnership sa pagitan ng RMN Network news at IFM News Dagupan katuwang ang Region 1 Medical Center ngayong Araw, Mayo 18, 2026.

Sa ilalim ng panukalang partnership, inaasahang makakatulong ang IFM at mga istasyon ng RMN sa pagsasagawa ng mga kampanyang pangkalusugan sa pamamagitan ng on-air, online, at on-ground activities. Kabilang dito ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon ukol sa public health care, medical missions, volunteerism, partikular sa mga blood donation activities, at iba pang programang nakatuon sa kapakanan ng mamamayan.

Matatandaang taon-taong nagsasagawa ng blood donation o bloodletting activity ang IFM Dagupan katuwang ang Region 1 Medical Center bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa pagtulong sa publiko. Sa pagkakataong ito, pormal nang inihain at ipinaabot sa pamunuan ng ospital ang proposal para sa mas pinalawak na partnership at media collaboration.

Ayon sa panukala, magiging mahalaga rin ang partisipasyon ng RMN stations sa Pangasinan at buong Region 1, lalo na sa panahon ng kalamidad at mahahalagang okasyon gaya ng bermonths, bagyo, Holy Week, at New Year kung kailan mas kinakailangan ang mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon at public assistance.

Sa huli, binigyang-diin ng dalawang panig ang kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo bilang isang simpleng paraan ng pagtulong at pagliligtas ng buhay.

Layunin din ng partnership na mahikayat ang mas marami pang indibidwal na maging regular na blood donors sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na information at awareness campaigns lalo na sa serbisyong medikal na walang bayad para sa mamamayan at makatulong sa pagliligtas ng buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments