Higit 100 tauhan ng MPD, sasalang sa local absentee voting para sa 2025 midterm elections

Nagsimula na ang local absentee voting (LAV) sa headquarters ng Manila Police District (MPD) sa Ermita, Manila ngayong araw.

Pinangunahan ng matataas na opsiyal ng MPD ang pagboto para sa LAV kung saan may kabuuang 113 na tauhan nito ang nakatakdang bumoto.

Umaasa ang MPD na makakaboto ang mga nagpalista nilang tauhan mula sa iba’t ibang opisina at istasyon sa buong Maynila.

Matatandaan na tatlong araw na ikakasa ang local absentee voting mula ngayong araw hanggang Miyerkules (April 30, 2025).

Sa datos ng Commision on Elections (Comelec), kabuuang 57,689 ang kanilang inaprubahan para sa LAV.

Sa nasabing bilang, 1,005 ay media personnel; 29,030 ay miyembro ng AFP habang 23,448 naman ang PNP personnel.

Facebook Comments