Higit 200 kadete ng PNP Academy, nagtapos ngayong araw; kadete mula sa Oriental Mindoro, valedictorian ng SinagLawin Class of 2025

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatapos ng Philippine National Police Academy 2025 o ang SinagLawin Class of 2025, sa Silang, Cavite.

Sa 206 na nagsipagtapos ngayong araw, itinanghal na class valedictorian si Police Cadette Marc Joseph Vitto na taga-Oriental Mindoro.

Ginawaran si Cadette Vitto ng Presidential Campilan Award at Journalism Kampilan Award habang nakuha rin nito ang Best in Forensic Science at Best in General Education.

Ang babaeng kadete naman na si Kristine Acidre ang pumangalawa sa klase na tubong Leyte. Nakatanggap siya ng Plaque of Merit at Vice Presidential Kampilan.

Si Cadette Jay Cheever Rocaberte naman mula Negos Oriental ang Top 3 ng klase na ginawaran ng Department of thr Interior and Local Government Kampilan Award.

Sa mga kadeteng pasok sa Top 10 graduates ng SinagLawin Class of 2025, anim sa mga ito ay mga kababaihan. Nakatanggap ang Top 10 ng Plaque of Merit.

Bilin ni Pangulong Marcos, sa mga bagong miyembro ng kapulisan na isapuso ang sinumpaang tungkulin na depensahan ang Konstitusyon at protektahan ang bawat Pilipino.

Kumpiyansa aniya ang pangulo sa kakayahan ng mga kapulisan na linisin, pagtibayin, at papatagin ang propesyunalismo sa kanilang hanay.

Facebook Comments