
Bumagsak sa isinagawang fuel testing ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 78 sa 189 na gasolinahang sinuri sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Katumbas ito ng mahigit 41% ng mga gasolinahang ininspeksyon hanggang nitong Oktubre 13.
Dahil dito, sinelyuhan ng BIR ang mga apektadong fuel pump sa 78 establisimyento, habang umabot sa mahigit 900,000 litro ang imbentaryo ng petrolyong kaugnay ng mga pumalyang pagsusuri.
Kabilang sa mga lugar na sakop ng operasyon ang Quezon City, Maynila, Makati, CAMANAVA, Bulacan, Palawan, iba pang bahagi ng Metro Manila, at ilang lalawigan sa Visayas.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, patuloy nilang tutukuyin kung saan nagmula ang mga produktong petrolyong bumagsak sa pagsusuri.
Magsasagawa rin ng karagdagang testing sa mga fuel depot upang matukoy kung may paglabag sa fuel marking requirements.
Bahagi ang operasyon ng kampanya ng ahensya laban sa ilegal na kalakalan ng petrolyo at pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis.










