HIGIT P4.3M HALAGA NG KAGAMITAN SA ILEGAL NA LPG REFILLING FACILITY, SINALAKAY SA UMINGAN

Arestado ang dalawang indibidwal sa isinagawang operasyon ng pulisya laban sa ilegal na liquefied petroleum gas (LPG) refilling sa Barangay Don Montano, Umingan noong Abril 27, 2026.

Nasamsam sa operasyon ang dalawang refilling heads na may final weighing scale, sampung karagdagang refilling heads na may weighing scale, isang motor compressor, isang pump motor, at tatlong ilegal na ni-refill na LPG cylinders.

Umabot sa tinatayang ₱4,340,000 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan sa higit pitong oras na operasyon sa naturang commercial LPG refilling facility na ikinasa sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act No. 11592.

Bukod sa dalawang naaresto, pito pang indibidwal—tatlong babae at apat na lalaki kabilang ang isang security guard—ang sangkot ngunit hindi naabutan sa lugar.

Patuloy naman na tinutugis ng awtoridad ang iba pang kasamahan habang dinala naman ang mga naaresto sa tanggapan ng CIDG Pangasinan para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.

Ayon sa PNP, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal at mapanganib na LPG refilling activities na nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng publiko at proteksyon ng mga mamimili. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments